DAVAO CITY – Isang indibidwal na naman sa Davao City Jail ang nahuli na tangkang pagpuslit ng iligal na droga.
Ito’y sa gitna ng paalala ng mga otoridad partikular na sa mga tauhan ng Davao City Jail na higpitan pa ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga papasok sa pasilidad.
Una nang nakilala ang suspek na si Audrey Madelo Millomeda, 37-anyos na residente ng Deca Homes, Barangay Cabantian, Buhangin District nitong lungsod.
Sinasabing habang iniinspeksyon ang dalang mga pagkain ng suspek, napansin ng jail guard na may inihalong pakete ng illegal drugs at marijuana sa pritong manok.
May timbang na 50 grams ang illegal drugs at may street value na P800,000.
Sa ngayon ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang babaeng suspek.
Kung maaalala, ilang beses nang nakarekober ng malalaking halaga ng iligal na droga ang City Jail kung saan huli nito ay idinikit sa mga walis na ibinigay ng isang religious group.