Sinimulan na ngayong araw ng Philippine Red Cross (PRC) ang pamamahagi ng multipurpose cash grants atr shelter tool kits sa mga residente ng Catanduanes at Camarines Sur na naapektuhan ng Bagyong Rolly.

Pinangunahan ni Red Cross Chairman at CEO Sen. Richard Gordon ang pamimigay ng halos P1.274 milyong halaga ng multipurpose cash grants na makakatulong sa halos 400 pamilya sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay Gordon, layunin ng Red Cross na tulungan ang mga indibidwal na nagulo ang buhay dahil sa mga nagdaang bagyo sa pamamagitan ng mga hakbang upang muli silang makabangon.

Bukod sa cash grants, mamimigay din ang Red Cross ng shelter tool kits at galvanized iron sheets sa 58 pamilya sa Calabanga, Camarines Sur. Bawat pamilya ay bibigyan din ng shelter tool kits at sampung galvanized iron sheets.

Una nang dumating noong Nobyembre 29 sa Catanduanes ang MV PRC Amazing Grace, kauna-unahan at natatanging humanitarian vessel ng Pilipinas.

Lulan nito ang libo-libong galvanized iron sheets, non-food items tulad ng hygiene kits, kumot, sleeping mats, mosquito nets, 10-lter at 20-liter jerry cans at sasakyan na gagamitin naman upang maabot ang mga far-flung areas na tutulungan ng ahensya.