-- Advertisements --

Itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) na mabigyan ng ayuda ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan at maging sa mga mananakay kasunod nang price hike sa mga produktong petrolyo kamakailan.

Iginiit ito ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa harap nang panawagan ng mga tsuper na payagan silang magkaroon ng across the board na umento sa pamasahae.

Ayon kay Tugade, dapat balansehin ang pangangailangan ng mga driver sa kakayanan ng mga pasahero ngayong nasa harap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Tuloy-tuloy aniya ang pakikipag-ugnayan ng DOTr at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Energy (DOE) para magbigay ng suhestiyon kung paano maiibsan ang epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa operation ng mga Public Utility Vehicles (PUVs).

Bukod sa fuel subsidy, inaanyayahan ng kagawaran ang mga tsuper na lumahok sa service contracting program, kung saan babayaran sila ng gobyerno sa kada kilometro na kanilang itinakbo.

-- Advertisement --

Magugunita na sa mga nakalipas na linggo, tumaas ang singil sa kada litro ng gasolina ng hanggang P1.55 habang ang presyo naman ng diesel ay tumaas ng P1.95 hanggang P2.05.