-- Advertisements --

Nanawagan si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa pamahalaan na bigyan ng subsidiya ang mga operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara kahapon, sinabi ni Sarmiento, chairman ng House committee on transportation, na ibigay ang ayudang ito sa oras na payagan na ulit makabiyahe ang mass public transportation matapos ang dalawang buwang suspensyon makaraang isinailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon.

Malaki na aniya ang lugi ng mga operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan sa mga nakalipas na buwan, at madadagdagan pa ito sa ilalim ng general community quarantine dahil lilimitahan na ang bilang ng mga pasahero na maari nilang isakay sa kada biyahe.

Nangangamba rin si Sarmiento na dahil sa sistemang ito ay maaring may ilang operators at drivers ang hindi na babiyahe, na magsisilbing pahirap naman para sa mga mananakay.

“Baka po ‘pag nagka-GCQ na, walang gustong tumakbong sasakyan tapos maghihintay po ang tao sa wala. If we cannot offer them a good system, we also cannot expect them to exercise discipline.Magkakaroon po ng disiplina kapag may magandang sistema,” ani Sarmiento.

Samantala, inirekominda ng kongresista sa Department of Transportation ang pasagawa ng dry run sa lalong madaling panahon para sa pagbabalik ng mass public transportation.

Sa ganitong paraan ay mapaghandaan aniya ng pamahalaan ang magiging sitwasyon kapag balik na sa biyahe ang mga pampublikong sasakyan, at maayos na ang dapat pang ayusin.