BACOLOD CITY – Patay ang isang nag-AWOL (Absence Without Leave) na pulis dahil sa pamamaril sa Bacolod City.

Kinilala ang biktima na si patrolman Eric Alcosaba na dating naka-assign sa Bacolod Police Station 7.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng commander ng Police Station 4 na si police Maj. Renante Jomocan, dalawang taon ng AWOL sa serbisyo si Alcosaba dahil hindi ito nag-report sa kanyang bagong assignment sa Mindanao.

Batay sa hawak na impormasyon ng pulisya, nadawit sa iligal na droga ang napatay na pulis kaya ito inilipat ng assignment.

Pasado alas-3:00 nitong hapon nang pagbabarilin ito sa labas ng isang fastfood chain sa Burgos St., Brgy. Villamonte.

-- Advertisement --

Ayon sa station commander, nasa loob pa ng kanyang pick-up vehicle ang biktima nang pagbabarilin ito ng mga suspek na nasakay din ng isang pribadong sasakyan.

Nakatakbo pa ito palabas ng kanyang sasakyan bago bawian ng buhay.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng 18 tama ng baril ang biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Bacolod Police Station 4 upang makilala ang mga suspek at motibo sa krimen.