Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na handa sila sa inaasahang volume ng mga pasahero ngayong holiday season.
Inatasan na rin ni CAAP Director General Captain Manuel Antonio Tamayo ang lahat ng Area Center Managers nito na tiyaking kakayanin ng passenger terminal buildings (PTB) ang pagdagsa ng mga pasahero.
Aniya, dapat may sapat na upuan, baggage cart, operational escalators, at malinis na palikuran sa loob ng arrival at pre-departure areas ng mga paliparan.
Dapat din aniyang tiyakin na may sapat na ilaw para sa mga parking area at access road sa loob ng airport.
Nagsagawa na rin ng koordinasyon ang CAAP Security and Intelligence Service (CSIS), PNP Aviation Security Group, at Office for Transportation Security (OTS) upang matiyak ang seguridad sa airport terminal sa buong bansa.