-- Advertisements --

Nananwagan si Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo sa economic managers ng Duterte administration na linawin na kung magkano ang available na pondo ngayon at sa susunod na 12 buwan na maaring gamitin sa Bayanihan 3.

Ginawa ito ni Quimbo isang araw matapos na aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9411, na naglalaman ng P401-billion halaga ng lifeline measures.

Iginiit ni Quimbo na marami na ang nagugutom dahil sa kalbaryong dulot ng COVID-19 pandemic, habang sa kabilang banda naman ay kailangan bantayan ang deficit ng bansa para hindi tuluyang bumulusok ang ekonomiya.

Base sa pag-aaral, pumalo sa 30% ang hunger incidence o bilang ng mga nagugutom na Pilipino hanggang sa third quarter ng nakalipas na taon.

Para matugunan ito, sinabi ni Quimbo na nakapaloob sa Bayanihan 3 ang probisyon para sa panibagong ayuda para sa lahat at ayuda na depende naman sa pangangailangan sa sitwasyon.

Samantala, sa Ugnayan sa Batasan press briefing, sinabi naman ni House Committee on Economic Affairs chairman Sharon Garin na target nilang isalang sa botohan para sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan 3 sa susunod na linggo

Ito ay kahit pa hindi pa nakakapagbigay ng “certificate of availability of funds” ang Bureau of Treasury.

Nauna nang sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na ang naturang sertipikasyon ay maaring ibigay ng BTr anumang oras bago aprubahan ng Pangulo ang isang special appropriations bill.