Hinimok ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. ang pamunuan ng House of Representatives na pag-aralan ang posibilidad na gawin nang automated ang October 30 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Cong.Barzaga, sa sandaling maging automated ang halalan mas mabilis na ang magiging resulta at ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Ipinunto din ni Barzaga na maiiwasan din ang anumang anumang human intervention, pagkakamali, at kalituhan sa kalalabasan ng botohan partikular sa mga malalaking barangay sa Metro Manila.
Naghain ng House Resolution NO. 717 ang mambabatas kung saan hinikayat nito ang committee on Suffrage and Electoral Reforms na magkasa ng pagdinig in aid of legislation, kaugnay sa posibilidad na ipatupad na bilang experimental use ang Automated Elections System o AES sa darating na halalang pam-Barangay.
Ayon sa beteranong mambabatas, napatunayan na kasi na napaka-economical ng automated elections dahil kaya nitong mag- accommodate ng lampas sa isang libong mga botante kada-clustered precinct kumpara sa manual elections na hanggang 500 voters lamang kayang iaccomodate sa bawat presinto.
Nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. nuong October 10,2022 ang Republic Act No. 11935 na nagbigay daan upang mailipat sa October 30,2023 ang Barangay at SK election na unang itinakda noon sanang December 5, 2022.
Si Barzaga ang chairman ng House Committee on Natural Resources na dahil sa mayroong dalawang balota ang barangay at SK elections, marapat lamang na maisaayos at ma-modify ang Vote Counting Machines (VCMs) nang sa gayon tanggapin nito ang dalawang balota mula sa isang botante na qualified bumuto para sa Barangay and Sangguniang Kabataan.
Binigyang diin ni Barzaga, talagang magagamit ng husto ang VCMs lalo at maayos itong namimintina ng komisyon.
Dagdag pa ni Barzaga, dapat nang magpasya ang Comelec ukol sa pagsasagawa ng pilot project ng automated elections sa ilang mga barangay, at tukuyin kung anong mga voting machine epektibo at maaring gamitin.
Nakapaloob naman sa measure na ang Comelec ay mayruong pag-aari na 97,000 refurbished vote-counting machines na binili nuong 2016.
Dahil nagamit na ang nasabing mga VCM sa mga nagdaang halalan, batid na ng mga kababayan natin ang paggamit dito.