-- Advertisements --

Nagbigay babala si Australian Prime Minister Scott Morrison sa posibilidad nang pagpapatupad ng lockdown sa bansa dahil sa banta ng coronavirus pandemic.

Ito ay matapos magtipon-tipon ng mga Australians sa Bondi beach sa Sydney sa kabila nang ipinapatupad na social distancing.

Ayon kay Morrison, dapat umanong magsilbing wake up call ang nangyari sa nasabing beach para seryosohin ng mamamayan ang mga patakaran.

Inanunsyo rin ng prime minister ang pagbibigay ng financial package para palakasin ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng krisis.

Lumobo na sa 1,300 ang kaso ng COVID-19 sa Australia kung saan pito na ang naitatalang patay.

Pinaka-apektado sa pandemic na ito ang New South Wales (NSW) na mayroon nang 533 cases habang 296 sa Victoria at 259 naman sa Queensland.

Una nang nagdeklara ang Victoria, New South Wales at Australian Capital Territory ang pagsasara ng mga non-essential services para hindi na kumalat pa ang virus.

Kasalukuyang nakasara ang Bondi Beach matapos sumobra sa 500 katao ang nagsama-sama rito para magsaya.