-- Advertisements --

Handa pa ring tanggapin ng Australian Open si tennis star Novak Djokovic para maglaro sa susunod na taon na magsisimula mula Enero 16 sa Melbourne.

Sinabi ni Australian Open tournament director Craig Tiley, na kapag makakuha ng visa ang Serbian tennis star ay papayagan nila itong maglaro sa unang grand slam tournament ng 2023.

Handa aniya nilang ayusin ang naging gusot nito sa federal government.

Magugunitang pina-deport si Djokovic at hindi pinayagang maglaro sa nasabing torneo noong Enero dahil sa nagmatigas itong magpakita ng katibayan na siya ay naturukan na ng COVID-19 vaccines.

Sa ilalim ng batas ng Australia na maaring pagbawalan itong hanggang tatlong taon.

Hindi na rin ito naglaro sa US Open ngayon taon dahil sa hindi pa rin ito bakunado laban sa COVID-19.

Bukod kay Djokovic ay papayagan din ng organizers ng Australian Open ang mga manlalaro ng Russia at Belarus basta gagamit sila ng neutral flag.

Pinagbawalan kasi ng mga tennis authorities ang mga manlalaro ng Russia at Belarus matapos ang pag-atake sa Ukraine.