-- Advertisements --

Sama-samang nagsagawa ng military exercise ang mga warships mula Australia, Estados Unidos at Japan sa Philippine Sea sa kabila ng tumitinding regional security tension ng China.

Ito’y kasabay ng babala ni US Defense Secretary Mark Esper na mananatiling mapagmatyag ang Amerika sa ginagawang pag-angkin ng Beijing sa naturang rehiyon.

Nakiisa ang Australian Joint Task Group sa USS Ronald Reagan Carrier Strike Group at isang Japanese destroyer para sa trilateral exercise ilang araw lamang bago ang gagawing larger-scale war games sa Hawaii.

Sinabi ni Commodore Michael Harris, Commander ng Australian Joint Task Force Group, na napakahalagang oportunidad umano para sa kanila ang makasama sa naval exercise kasama ang Japan at Amerika.

Aniya ang pagsasanib pwersa ng tatlong bansa ay upang siguraduhin ang seguridad at kaligtasan ng naturang karagatan laban sa makasariling layunin ng China.

Sa mga susunod na araw naman ay nakatakdang magsagawa ng training exercise ang tatlong bansa kung saan layunin ng mga ito na mas paigtingin pa ang kanilang interoperability habang sinisiguro na mananatiling bukas at malaya ang Indo-Pacific region.