-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagsimula na ang augmentation team ng Albay sa pagbibigay ng tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Taal sa Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danny Garcia ang tagapagsalita ni Albay Governor Al Francis Bichara, binubuo ang team ng 35 katao na eksperto mula sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Health Office (PHO), Provincial Veterinary Office at iba pa.

Nabatid na magtatagal ng 15 araw ang nasabing team sa Batangas kung saan prayoridad ang pagtuturo sa mga residente sa pangangalaga sa kalinisan partikular na kanilang mga evacuation centers.

Maliban dito, nagbigay rin ang team ng malinis na maiinom na tubig, mga gamot, face mask, hygiene kits at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.