Nais ng ilang mga kongresista na maimbestigahan o i-audit ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa harap ng mga bagong kontrobersiya na may kaugnayan sa red-tagging na kinasasangkutan ng naturang ahensya.
Ayon kay Deputy Speaker Mikee Romero, maaring simulan ng Kamara ang imbestigasyon nito sa susunod na linggo kahit pa sa darating na Mayo 17 pa ang resumption ng kanilang plenary session.
Nais aniya nilang malaman ang buong detalye mula mismo sa mga opisyal ng NTF-ELCAC hinggil sa kung saan at kung paano nagagamit ang kanilang pondo.
Gusto rin aniya nilang mabigyan linaw sa kung epektibo ba ang “vilification tactics” ng NTF-ELCAC para maraming mga rebeldeng komunista ang tatalikod sa insurgency.
Kapag mabigo ang mga opisyal na ito na masuportahan ang kanilang mga pahayag at ang paggamit ng kanilang pondo, sinabi ni Romero na maaring i-realign na ng Kongreso ang budget ng ahensya sa mas mahalagang pangangailangan.
Kamakailan lang ay iniugnay ulit ang NTF-ELCAC sa red-tagging matapos na pansamantalang itinigil ni Ana Patricia Non ang operations ng itinayo niyang community pantry sa Maginhawa sa Quezon City dahil sa nararanasan niyang “red-tagging” sa social media.
Isa sa mga screenshots na ipinakita ni Non sa kanyang Facebook account ay ang sa NTF-ELCAC na nagsasabing ginagamit lamang daw ng mga komunistang grupo ang mga community pantries para sa kanilang propaganda.
Pero ayon naman sa tagapagsalita ng ahensya na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., walang kinalaman ang NTF-ELCAC sa red-tagging sa mga community pantries at organizers ng mga ito.