-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si Atty. Michael Poa, miyembro ng defense panel ni Vice President Sara Duterte, sa kampo ni dating Vice President Jejomar Binay matapos niyang banggitin sa Senate impeachment trial na mayroon ding confidential funds ang Office of the Vice President (OVP) noong 2014.

Sa press conference nitong Martes, sinabi ni Poa na wala siyang intensiyong idamay si Binay sa usapin.

“I have to apologize if I have offended anyone from VP Binay’s camp. I didn’t want to drag his name into this,” ani Poa.

Ipinaliwanag niya na sinadya niyang huwag pangalanan noong una ang dating bise presidente at binanggit lamang na may confidential funds ang OVP noong 2014.

Ayon kay Poa, nilinaw lamang niya ang naging testimonya ni dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Atty. Roderick Wamil, na nagsabing si Vice President Sara Duterte lamang ang naging vice president na na-audit niya kaugnay ng confidential funds sa panahon ng kanyang panunungkulan sa ICFAO.

Aniya, ang pahayag ng testigo ay maaaring magbigay ng maling interpretasyon na si Duterte ang kauna-unahang bise presidente na nagkaroon ng confidential funds.

Sinabi ni Poa na ipinagpaliban niyang sagutin ang isyu noong nakaraang araw dahil plano niya itong talakayin sa cross-examination ng defense panel.

Iginiit din ng abogado na nais lamang niyang maituwid ang mga impormasyon na lumalabas sa social media at ilang ulat upang hindi umano mabuo ang impresyon na si VP Sara lamang sa kasaysayan ng bansa ang nagkaroon ng confidential funds bilang pangalawang pangulo.