Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na hangga’t hindi pinaparusahan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ay hindi tuluyang mawawala ang galit ng taumbayan.
Ito ay kasunod sa naunang testimoniya ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co na alam ni Pangulong Marcos ang nangyari sa P100 billion na isiningit sa 2025 national budget.
Sa isang panayam, sinabi ni Roque na isang ‘whistleblower’ si Zaldy Co at wala umano siyang duda sa kaniyang mga inilabas na testimoniya.
Sinuportahan ni Roque ang punto ni Co na si Pang. Marcos at ang kaniyang pinsan na si Romualdez ang mismong mastermind sa malawakang korapsyon sa mga flood control project at iba pang public structures sa bansa.
Kung nais aniya ng gobiyerno na mawala ang galit ng taumbayan, dapat lamang na maparusahan din ang dalawa.
Natanong din si Roque kung bakit kailangan pang hilingin ni Pang. Marcos na idaan ang bilyon-bilyong piso na insertion sa pamamagitan ng Bicameral Conference Committee tulad ng inaakusa ni Zaldy Co, gayong pwede naman itong gawin ng Pangulo sa mismong National Expenditure Program (NEP).
Sagot ni Roque, ang Bicam report ay hindi nalalantad sa kaalaman ng publiko habang ang nilalaman ng NEP ay nailalathala at pwede siyang punahin kaagad sa malalaking insertion.
Sa kabilang banda, una na ring nanindigan si Pang. Marcos na siya ang nagpasimula sa malawakan at malalimang imbestigasyon ukol sa iskandalong bumabalot sa mga public infrastructure project.
Giit ng Pangulo, siya rin ang tatapos sa nasimulang kampaniya.















