Wala umanong sapat na dahilan para hulihin ang grupo ng film director na si Jade Castro na sinasabing sangkot sa pagsunog ng modern jeep sa lalawigan ng Quezon ayon kay human rights lawyer Atty. Chel Diokno.
Personal na nagtungo si Diokno sa Catanauan Police Station kung saan nakakulong ang grupo ni Castro upang alamin kung paano ikinulong ang grupo nang walang warrant of arrest.
Base sa testimonya nila Castro, inihayag ni Diokno na sila ay naging biktima ng baluktot na pagpapatupad ng batas.
Binigyang-diin ni Diokno na ayon umano sa Korte Suprema ay maaari lamang arestuhin ng pulis nang walang warrant of arrest kung nakita nito ang suspek habang isinasagawa ang krimen, kung may lehitimong hot pursuit operation, at kung tumakas ang suspek sa kulungan.
Sa pagsusuri ni Diokno, hindi napapabilang sa mga nabanggit na sitwasyon ang nangyari kila Castro. Hindi umano nakita ng mga pulis na isinasagawa ng grupo ni Castro ang pagsunog sa modern jeep, hindi rin daw ito lehitimong hot pursuit operation, at hindi rin naman tumakas sa kulungan sila Castro.
Dahil dito, nananawagan si Atty. Chel Diokno ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente at panagutin ang nasa likod ng umano’y inhustisya, at palayin sina Jade Castro at kanyang mga kasama.
Nanawagan na rin ang Director’s Guild of the Philippines na magkaroon ng linaw ang nangyaring warrantless arrest sa grupo.
Una ng itinanggi ni Jade Castro ang nangyaring panununog sa bayan ng Catanauan dahil nagbabakasyon lang daw silang magkakaibigan sa katabing bayan nito sa Mulanay, Quezon.