-- Advertisements --

Paubos na ang assistance-to-nationals fund ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaya kinailangan na nilang mag-realign ng ibang hawak na pondo.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni DFA Usec. Sarah Arriola na posibleng sa kalagitnaan ng buwan ng Agosto ay maubos na ang kanilang assistance-to-nationals fund.

Mula Enero hanggang Hulyo 13, sinabi ni Arriola na mahigit P767 million na o 72.5 percent ng P1 billion na assistance-to-nationals fund na ang kanilang nagagamit.

Sa naturang halaga, higit P436 million ang ginamit para sa COVID-19 expenses, tulad na lamang ng repatriation, welfare assistance, medical assistance, at temporary accommodation sa mga distressed OFWs.

Dahil dito, nagsabi na aniya si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na i-realign nila ang alokasyon para sa retrofitting ng kanilang gusali.

Pero ayon kay Arriola, kahit gamitin man ang pondong ito, kukulangin pa rin aniya ang DFA base na rin sa rate ng repatriation na kanilang ginagawa sa ngayon para sa mga stranded OFWs mula sa iba’t ibang bansa.

Sa ngayon, 82,057 na ang mga repatriated OFWs, kung saab 38,308 dito ang sea-based at 43,749 naman ang land-based.

Nanggaling ang mga ito sa 60 bansa at 132 cruise ships, ayon kay Arriola.