-- Advertisements --

Arestado ang isang terorista na miyembro umano ng Abu Sayyaf group (ASG) ng mga tauhan ng Joint Task Force Sulu sa isinagawasang follow-up operation bandang alas-6:10 ng gabi sa Indanan, Sulu.

Ayon kay 11TH ID/ JTF Sulu spokesperson Lt. Col. Gerald Monfort, ang pagkakaaresto sa isang ASG member na nakilalang si alias Mang ay resulta nang pagkapatay sa tatlong suicide bombers.

Ibinunyag ni alias Mang kung saan itinago ng teroristang grupo ang kanilang locally assembled IED.

Nakumpiska sa safehouse ng teroristang grupo sa Barangay Paligue, Indanan ang 16 na mga pipe bombs.

Sinabi ni Monfort ang narekober na 16 na bomba ay kahalintulad sa narekober sa tatlong suicide bombers.

Nagpasalamat naman si 11th ID at JTF Sulu commander Maj. Gen. Corleto Vinluan Jr., sa mga Suluanos sa kanilang kooperasyon sa militar.

“The successful operations against the terrorists yesterday manifests that Sulu is no longer a haven for ASG bandits and foreign terrorists. With the strong support of the public, I am confident that we will end the problem with the ASG bandits and foreign terrorists in Sulu,” pahayag pa ni Vinluan.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Wesmincom commander Lt Gen. Cirilito Sobejana na in-placed ang kanilang plano para tuldukan ang pamamayagpag ng teroristang Abu Sayyaf.

Ayon kay Sobejana, bukod sa combat operations, tuloy-tuloy ang kanilang engagement sa mga mga LGUs, stakeholders at mga sibilyan para labanan ang paghahasik ng karahasan ng teroristang grupo sa bahagi ng Western Mindanao.

Samantala, suportado ng PNP ang AFP sa kanilang hakbang para ma-neutralize ang teroristang grupo.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, tumutulong ngayon ang PNP sa Sulu sa pag-iimbestiga lalo na sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng tatlong suicide bombers.