BAGUIO CITY – Nakapasok na ang African swine fever (ASF) virus sa Kalinga.
Kinumpirma ito ni Ruben Dulagan, Regulatory Division Chief ng Department of Agriculture-Cordillera sa isang press conference kahapon.
Aniya, nagpositibo sa ASF virus ang mga sample mula sa mga namatay na alagang baboy sa Kalinga na isinailalim sa lab test.
Naitala ang “ground zero” ng kaso ng ASF virus sa San Julian, Tabuk City, Kalinga kung saan namatay ang 39 na alagang baboy sa isang commercial piggery at sa Lower Lubo, Tanudan, Kalinga.
Gayunman, sinabi ni Dr. Ofelia Ducayag, Veterinarian IV ng DA-Cordillera na hindi muna magsasagawa ang ahensiya ng culling process dahil kakausapin pa ng mga ito ang mga residente sa mga apektadong lugar sa Kalinga.
Samantala, sinabi ni Dr. Leisley Duligen, Veterinarian III ng DA-Cordillera, na magbibigay sila ng indemnification fund sa mga apektadong backyard hog raisers sa Benguet at Kalinga kung saan naitala ang positibong kaso ng ASF virus.
Aniya, babayaran ng P5,000 ang bawat napatay na baboy dahil sa ASF virus kahit 20 lamang na baboy ang mababayaran bawat hog raiser at ang mga mababayaran ay mga baboy na 29 days pataas.
Umaabot sa mahigit 220 na baboy ang isinailalim sa culling sa dalawang bayan sa Benguet noong nakaraang linggo dahil sa pagpositibo ng mga ito sa ASF virus.