LEGAZPI CITY – Mas hinigpitan pa ng veterinary office ang pagbabantay sa mga entry points sa Albay kaugnay ng banta ng African Swine Fever (ASF) na nakakaapekto sa mga alagang baboy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Emmanuel Estipona, veterinarian officer ng Legazpi City, nakatutok sa ngayon ang kanilang checkpoints sa mga southern barangays ng lalawigan lalong lalo na sa Matnog Port na dinadaanan ng mga produktong mula sa Visayas at Mindanao.
Sa kabila nito, inihayag ni Estipona na positibo ang nakikitang epekto ng ASF scare sa industriya ng meat products sa lalawigan dahil imbes na sa ibang lugar, sa mga lokal na hog raisers na lang bumibili ang mga retailers.
Magandang oportunidad umano ito sa mga nag-aalaga ng baboy dahil bumababa ang kompetisyon habang nanatili pa rin ang malakas na demand.
Sa ngayon, naglalaro na sa P120 hanggang P125 ang presyuhan ng bawat kilo ng karneng baboy na mas mahal kumpara sa dating P110 hanggang P116 noong nakaraang taon.