-- Advertisements --
BAGUIO CITY – Isinailalim sa state of calamity ang isang barangay sa La Trinidad, Benguet dahil sa epekto ng African Swine fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Barangay Beckel chairman Gregorio Antonio na maraming residente na ang naapektuhan dahil karamihan din sa mga ito ang umaasa lamang sa pag-aalaga ng baboy bilang hanapbuhay.
Umaasa ang kapitan na sa pamamagitan ng deklarasyon ng state of calamity ay mas mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhang hog raisers.
Una nang isinailalim sa culling ang halos 300 na baboy sa Barangay Beckel kung saan, apektado ang 33 na hog raisers.
Sa ngayon ay apektado na ng ASF ang apat na bayan sa Benguet partikular ang Tuba, La Trinidad, Itogon at Kabayan.