Pinag-aaralan ni House Committee on Agriculture and Food chairman Mark Enverga ang panukalang batas na magtatakda ng protocol sa diposal ng mga alagang hayop na infected ng nakakahawang sakit.
Pahayag ito ni Enverga sa panayam ng Bombo Radyo nang matanong hinggil sa mga posibleng gawing hakbang ng Kongreso para hindi na maulit pa ang outbreak ng sakit sa mga hayop tulad ng African swine fever (ASF).
Sinabi ni Enverga na bagama’t hindi pa nagsisimula ang imbestigasyon ng kanyang komite hinggil sa sitwasyon ng bansa sa gitna ng ASF outbreak, ikinokonsidera na raw niya ang pagsusulong ng panukalang Animal Disease Act.
Dito ay magtatakda aniya ng mga penalties sa mga lalabag sa protocol na ipapatupad sa wastong disposal ng mga alagang hayop na infected ng nakakahawang sakit.
Sa ngayon ayon kay Enverga, halos wala nang “ngipin” ang Animal Welfare Act dahil “outdated” na ang penalties na nakapaloob dito.
Dagdag nito na hindi rin nakasaad sa Solid Waste Management Act ang disposal ng mga infected na mga alagang hayop.
Panawagan ni Enverga sa mga lokal na pamahalaan na maghigpit sa kanilang ginagawang monitoring upang maagapan ang tuluyang pagkalat ng ASF sa iba pang bahagi ng bansa.