-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Magkatuwang City government ng Kidapawan at San Miguel B-Meg sa isang pagtitipon hinggil sa African Swine Fever sa Brgy Magsaysay Kidapawan City.

Dumalo sa forum ang lahat ng Barangay Animal Health Workers, mga nag-aalaga ng baboy at nagbebenta ng karne.

Guest speaker ng forum si Dr. Gilda Flauta, DVM ng B-Meg na nagbigay ng lecture sa ASF.

Sinabi niya na hindi dapat katayin ng mga nag-aalaga ng baboy ang hayop sa mismong bakuran nila dahil pwede itong pagmulan ng pagkalat ng ASF.

Aabot kasi sa isanglibong araw ang itatagal ng ASF virus sa kontaminadong karne ng baboy kahit pa ilagay ito sa loob ng freezer, aniya.

Dapat din na ugaliing linisin at idisinfect ng mga nag-aalaga ang kanilang mga babuyan dahil pwedeng patayin ng mga disinfectants ang ASF virus, dagdag pa ni Flauta.

Hinikayat niya ang lahat na makipagtulungan sa kampanya ng Gobyerno kontra ASF dahil malulugi ng malaki ang ekonomiya at kabuhayan ng mga nag-aalaga at nagnenegosyo ng baboy at mga produkto nito.

Sa kasalukuyan, abot na sa apat na milyon mula sa labindalawang milyong populasyon ng baboy sa Pilipinas noong 2019 ang nabawas dulot ng ASF, sabi pa ni Flauta kung saan ang pang walong pinakamalaking producer ng baboy sa buong mundo ang Pilipinas.

Sa kaugnay na balita, ligtas kainin ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa Mega Market.

Ito ay paniniguro na rin ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez, DVM sa lahat ng consumers.

Dumaan, aniya, sa City Slaughterhouse at certified ng kanilang opisina ang karne ng baboy na tinitinda sa Mega Market.

Pwede rin na magbenta ng karne ng baboy ang mga meat shops basta’t sinertipikahan ito na ligtas kainin ng National Meat Inspection Service, wika pa ni Gornez.

Bagamat walang epekto ang ASF sa tao, mas mainam pa rin na sa Mega Market o mga meat shops na sertipikado ng ASF bumili ng ligtas na karne ng baboy, paliwanag pa ni Gornez.

Samantala, mahigpit ng ipagbabawal ng City Government na pakainin ng tira-tirang pagkain o “lamaw” ang mga baboy sa lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

Isa kasi sa mga dahilan ng pagkalat ng ASF ang swill feeding o pagpapakain ng lamaw sa mga baboy, ayon na rin sa mga otoridad.

Pagbabawalan lalo na ang lahat ng kainan, restaurant at food businesses na ibigay sa mga nag-aalaga ng baboy ang kanilang mga tira-tirang pagkain dahil possible itong pagmumulan ng ASF.