LEGAZPI CITY – Masusing pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) Bicol ang naobserbahang “downtrend” sa mga kaso ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon.
Ayon kay DA Bicol Information officer Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa pagpasok ng 2021 ay bumaba ang mga nakakapagtala ng ASF outbreak sa rehiyon mula sa 73 cases noong Enero, 47 cases para sa Pebrero, 10 sa Marso at tatlo na lamang noong Abril.
Kasalukuyan na ring inihahanda ng tanggapan ang mga requirements na kailangang ma-comply para ideklara na “pink zones” o buffer zone ang ilang lugar.
Umabot na aniya sa 90 araw na walang naitatalang bagong kumpirmadong kaso ng ASF sa naturang mga lugar.
Samantala, dalawang beses namang magsasagawa ng environmental swabbing para tukuyin kung may traces pa ng virus. Sakaling lumabas na negatibo ang resulta ay saka lamang ito lalagyan ng sentinel pigs.
Napag-alaman na sa 114 bayan at lungsod sa Bicol na binabantayan, 63 sa mga ito ang naapektuhan ng ASF.
Sa kabila nito, may mga “free zones” pa rin naman sa rehiyon kagaya na lamang ng ilang lugar sa Masbate na mabilis na nakontrol ang virus.