Pinagtibay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang suporta nito sa kandidatura ng Pilipinas para makakuha ng upuan sa United Nations Security Council para sa terminong 2027 hanggang 2028.
Sa isang joint statement matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang top diplomats ng ASEAN na binubuo ng 10 miyembro, nagkaisa ang mga ito ng suporta para maging isang Non-Permanent Member ng UN Security Council ang Pilipinas para sa taong 2027 hanggang 2028.
Gayundin sinusuportahan din ng international body ang kandidatura ng Indonesia at Thailand para sa UN Human Rights Council para sa 2024-206 at 2025-2027.
Kung maaalala, una ng umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang naging talumpati sa idinaos na ika-77 sesyon ng UN General Assembly (UNGA) ang suporta ng mga bansang kasapi ng United Nations na suportahan ang kandidatura ng Pilipinas sa Security Council para sa terminong 2027 hanggang 2028.
Ang UN Security Council ang siyang pangunahing responsabe sa pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad at nangunguna din sa pagtukoy ng banta sa kapayapaan o posibleng pagsalakay.
Huling nahalal ang Pilipinas sa naturang konseho noong taong 2005 at anim na beses na rin itong naging bahagi ng UN Security Council.