Nanawagan ang Southeast Asian parliamentarians na sumusulong sa mga karapatang pantao na kaagad sa Duterte administration na kaagad nang ihinto ang mapanganib na red-tagging campaign kontra kongresista mula sa hanay ng oposisyon.
Ginawa ng ASEAN Parliamentarians for Human Rights (APHR) ang naturang panawagan sa gitna ng patuloy na pag-uugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan sa Makabayan Bloc sa hanay naman ng mga rebeldeng komunista kahit pa ilang beses nang itinanggi ito ng naturang mga kongresista.
“Red-tagging has had extremely violent consequences in the Philippines, and the fact we are seeing President Duterte leading the way on such a menacing practice is utterly inexcusable,” giit ni Charles Santiago, isang Malaysian Member of Parliament (MP) at chair ng APHR.
Ayon sa APHR, sa Pilipinas, ginagamit ng mga awtoridad ang “red-tagging” para i-harass ang mga kinukonsiderang banta sa bansa sa pamamagitan nang pag-uugnay sa kanila sa mga komunista o communist sympathizers.
Kamakailan lang, pinangalanan mismo ni Panguong Duterte ang Makabayan Bloc at iba pang progresibong grupo tulad ng Bayan at Gabriela bilang fronts ng Communist Party of the Philippines at National Democratic Front (NDF).
Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay bahagi lamang ng pinalawak na pag-atake ng pamahalaan kontra demokrasya at human rights sa Pilipinas, ayon sa APHR.