-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Magtutulungan ang mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang lalo pang mapalakas ang data protection, anti-scamming at cybersecurity.

Ito ang ilan sa mga tinalakay ng senior officials sa nagpapatuloy na ASEAN 3rd Digital Ministers Meeting (ADGMIN) at ASEAN Digital Senior Officials (ADGSOM) sa isla ng Boracay.

Mahalaga umanong mabigyan ng pansin ang pagpapaigting sa cybersecurity cooperation at anti-scamming measures upang mapangalagaan ang ekonomiya ng ASEAN at digitalisation initiatives, lalo pa at hindi maiiwasan ngayon ang mga cyber threat o cyber attacks.

Sa kabilang daku, nagpapatuloy ang mahigpit na seguridad mula sa mainland Malay hanggang sa isla ng Boracay kasunod sa pag-extend sa aktibidad ng ministers meeting na magtatapos pa sa Pebrero 12 ng kasalukuyang taon.

Inihayag sa Bombo Radyo ni Punong Barangay Nixon Sualog ng Manoc-Manoc, Boracay na isa sila sa naatasang magbantay sa paligid ng lugar na ginaganapan ng meeting.

Nasa 150 international delegates mula sa ASEAN member states ang dumalo sa iba’t ibang mga aktibidad na nagpapatuloy sa isang malaking hotel and resorts sa nasabing isla.

Halos 400 na mga PNP uniformed personnel at Philippine Army maliban pa sa ilang force multipliers ang nakabantay sa seguridad ng mga delegado.

Dagdag pa ni Sualog na maayos ang naging takbo ng malaking event at walang naitalang untoward incident.

Pagkatapos aniya ng meeting ng mga delegado ay lumalabas ang mga ito sa gabi at hindi pinalagpas na makatampisaw sa mala-kristal na tubig-dagat gayundan maglakad-lakad sa mala-polbong buhangin sa dalampasigan kasama ang ilang miyembro ng PNP at Philippine Army na naka-assign sa bawat isa sa mga delegado.

Sa kasalukuyan aniya ay halos nakarating na lahat sa isla ang mga inaasahang representative mula sa mga ASEAN nations kung saan, ang huling dumating ay siya rin ang huling uuwi sa Pebrero 12.