-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang dialogue partners ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) hinggil sa tila nakakalitong aplikasyon ng Chinese Coast Guard Law.

Ang nasabing pahayag ay inilabas sa idinaos na 8th ASEAN Defense Ministers Meeting (ADMM) “Plus” meeting kasunod ng 15 ADMM meeting na isinagawa sa pamamagitan ng online mula June 15 hanggang 16.

Ang ADMM Plus ay nilahukan ng mga Defense Ministers ng 10 bansa na miyembro ng ASEAN. Kasama rito si Defense Secretary Delfin Lorenzana, at mga ministro ng walong dialogue partners ng ASEAN na kinabibilangan ng Australia, China, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Russian Federation, at United States of America.

Dito ay ilang mga dialogue partner ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapanatili ng “freedom of navigation and overflight” sa West Philippine Sea, at maagang pagpapasa ng “code of conduct” na gagabay sa mga bansang may interes sa naturang karagatan.

Ang kontrobersyal na Chinese Coast Guard Law ay nagpapahintulot sa mga maritime patrol ships ng China na gumamit ng puwersa para itaboy ang mga pumasok sa kanilang teritoryo.

Kung maaalala, itinuturing ng China ang buong West Philippine Sea na bahagi ng kanilang teritoryo batay sa tinatawag nilang historical nine dash line claim.