LAOAG CITY – Naging daan ang Bombo Radyo Laoag kay Ricky Cardenas, residente ng Brgy. 20 Mabaleng, Batac City sa pagpunta nito sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matulungang makauwi ang kanyang asawa mula sa Jeddah, Saudi Arabia.

Una rito, dumulog sa Bombo Radyo si Cardenas upang humingi ng tumulong dahil sa umano’y hindi magandang trato sa kanyang asawa na si Marivie Quindipan sa tinutuluyang bahay sa Jeddah.

Gusto nang makauwi ng Pinay dito sa Pilipinas dahil nahihirapan na siya dahil sa 24 na kataong pinagsisilbihan.

Paliwanag ni Cardenas ng kanyang asawa, may nauna siyang amo ngunit nang dumating ang dating katulong ay umano’y pinalayas at napunta sa pangalawang amo.

Dito na nahirapan si Quindipan dahil wala pang day-off at sa hatinggabi lamang nakakapagpahinga hanggang sa alas-7:00 ng umaga.

Samantala, siniguro naman ni Mrs. Solita Carmona, accredited trainer ng Reliable Recruitment Agency na tutulungan nila na makauwi si Quindipan sa bansa.