Bigo ang team ni Senate Sergeant of Arms retired General Rene Samonte na mahanap ang magkapatid na sina Mohit at Twinkle Dargani ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Kasunod ito ng arrest order na inilabas ng Senate blue ribbon committee na aprubado ng Senate leadership, dahil sa hindi pakikipag-cooperate ng dalawa sa mga senador, ukol sa mga hinihinging dokumento.
Si Twinkle ang presidente ng Pharmally sa Pilipinas, habang corporate secretary naman si Mohit.
Sinabi ni retired Gen. Samonte na agad silang kumilos kahapon, nang matanggap ang arrest order ng Senado, ngunit hindi pa rin makita ang dalawa.
Pinuntahan na rin ang tatlong condo units ng mga ito, ngunit wala rin sila sa mga ibinigay na address.
Wala ring komunikasyon mula sa mga Dargani kung kusa silang tutungo sa Senado para sumuko.
Ang contempt at pagpapa-aresto sa magkapatid ay isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, bagay na sinuportahan naman ng iba pang miyembro ng lupon.