Posibleng iakyat ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy sa Korte Suprema ang arrest order ng Senado laban sa pastor.
Ayon sa isa sa mga abogado ni Quiboloy na si Elvis Balayan, maaaring iinterpret ng hudikatura ang constitutional limitations sa kapangyarihan ng Kongreso para magsagawa ng mga imbestigasyon.
Nang matanong naman si Atty. Balayan kung maghahain ng kaso sa arrest order ni Quiboloy, sinabi nito na parte ito ng proseso na pinapayagan sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Nasa pagpapasya na rin aniya ng kanilang kliyente kung paano tutugon sa order of detention ngayong inisyu na ang arrest warrant sa religious leader.
Una na ring sinabi ni Balayan na nirerespeto nila ang desisyon ng Senado sa pagiisyu ng arrest order subalit gagawin aniya ni quiboloy ang lahat ng legal na remedyo para maprotektahan ang kaniyang constitutional rights.
Inisyu nga ang arrest order laban kay Quiboloy matapos na isnabin ang mga subpoena at hindi sumipot sa mga pagdinig na isinasagawa ng Senado kaugnay sa human trafficking at sexual abuse crimes na naisampa na ngayon sa mga korte sa Davao city at Pasig city.