Ipinagpaliban ng Sandiganbayan Second Division ang arraignment nina Sen. Jinggoy Estrada at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa kasong graft hanggang bukas Hunyo 4.
Ayon sa korte, kailangan munang pag-aralan ang mosyon ni Estrada na humihiling na ipawalang-bisa ang isinampang kaso, o kaya’y ibalik sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang imbestigasyon.
Samantala, hindi rin natuloy ang arraignment ni Bonoan dahil sa kanyang kalagayang pangkalusugan. Ayon sa kanyang abogado, hindi pa siya handang humarap sa arraignment matapos maospital dahil sa mataas na presyon ng dugo.
Dumalo si Bonoan sa pagdinig nang nakawheelchair at kalaunan ay ibinalik sa ospital ng Philippine National Police matapos ipagpaliban ang proseso. Naghain din siya ng mosyon para sa hospital arrest.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang mga dating official ng DPWH-National Capital Region na sina Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, at Arturo Gonzales Jr.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y ilegal na budget insertions at project allocations sa mga proyektong pang-imprastraktura ng DPWH noong 2025.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, lumilitaw sa imbestigasyon na may umano’y sistematikong pagbibigay ng iligal na pondo na umabot sa P573 million, na sinasabing naipadala kay Estrada.
Nahaharap din ang mga akusado sa hiwalay na kasong plunder na nakatakdang dinggin sa bukas. Sa kasalukuyan, nakakulong sina Estrada, Cortuna, Bulusan, at Gonzales sa Quezon City Jail.
















