-- Advertisements --

Ni-relieve ng Philippine Army Reserve Command (ARESCOM) ang kanilang mga reserve officers na tumatakbo sa halalan.

Ayon kay AFP Chief of Staff at Concurrent Commander ng Philippine Army, Lt. Gen. Andres Centino, ito ay para mapanatili ang pagiging “non-partisan” ng militar sa darating na halalan.

Una nang nagbitiw sa kanyang posisyon bilang hepe ng communications panel ng Philippine Army Multi-Sectoral Advisory Board (MSAB) reservist Captain Robin Padilla, na tumatakbo sa pagka-Senador.

Kasama din sa mga na-relieve sina: Senatorial aspirant Brig. Gen. Herbert Bautista (Res); Re-electionist Representative Col. Isdiro Ungab, Congresional candidate Lt. Col. Eugene Balitang; Gubernatorial candidate Lt. Col. Jayvee Tyron Uy; at gubernatorial re-electionist Lt. Col. Rhodora Cadiao.

Mahigpit na bilin ni Lt. Gen. Centino sa lahat ng tauhan ng AFP na iwasan ang pakikilahok sa partisan politics, panatilihin ang propesyonalismo sa pagganap ng kanilang tungkulin at iwasan ang pag-post sa social media ng mga larawan o symbolo na may kulay politika.

Tiniyak naman ni Lt. Gen. Centino sa publiko na matapat na gagampanan ng AFP ang kanilang mandato para masiguro ang malinis at maayos na halalan sa susunod na taon.