Kinuwestyon ni Philippine Army Col. Raymund Dante Lachica ang hindi magkakatugmang alegasyon ni Ramil Madriaga sa kaniyang pagharap sa impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte noong Martes, Abril 14.
Ayon kay Lachica, na nagsilbing dating pinuno ng Vice Presidenial Security and Protection Group (VPSPG), sa sinumpaang salaysay ni Madriaga inakusahan niya si VP Sara ng korapsiyon at iba pa. Sinabi rin umano ni Madriaga na naghatid siya ng milyun-milyong pera sa utos ng Bise President sa tulong ng VPSPG members kabilang na umano sina Col. Dennis Nolasco at Lachica.
Subalit, itinanggi ni Lachica ang mga alegasyon at naghain ng reklamong cyber libel laban kay Madriaga at sa kaniyang abogado na si Atty. Raymund Palad sa unang bahagi ng Enero.
Sa panibagong pahayag, tinukoy ni Col. Lachica ang discrepancies sa claims ni Madriaga at direktang hindi pagkakatugma ng mga ito na nakasisira aniya sa katapatan ng testimoniya.
Iginiit din ni Lachica na walang patunay ang mga testimoniya ni Madriaga at ang mga alegasyon ay dapat na suportado ng mga beripikadong ebidensiya at documentary records.
Bagamat handa ang Army Col. na sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum, ipinunto ni Lachica na mahalagang masiyasat ang ebidensiya, maberipika ang mga rekord at masuri ang kredibilidad ng indibidwal.
















