-- Advertisements --
OVP LENI ROBREDO
IMAGE | Vice President Leni Robredo/OVP handout

MANILA – Kinuwestyon ni Vice President Leni Robredo ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapa-aresto sa mga indibidwal na hindi nakasuot o mali ang pagsusuot ng face mask.

“Hindi ko alam bakit default natin iyong aresto… hindi ko alam kung bakit iyong bukambibig natin aresto,” ani Robredo sa kanyang weekly radio show.

Ayon sa pangalawang pangulo, imbis na arestuhin ang publikong walang suot o hindi wasto ang paggamit sa face mask, bakit hindi na lang sila turuan.

Sa ganitong paraan daw kasi maiiwasan ang posibilidad na mapuno ang mga kulungan, na magdudulot ng siksikan at banta sa hawaan ng COVID-19.

“Mag-aaresto ka kasi gusto mong i-protect iyong mga tao, pero lalong counterproductive iyon eh.”

“Ako, kapag mayroong mali iyong pagsuot ng face mask, turuan.”

Noong nakaraang linggo nang ibaba ni Duterte ang kautusan.

Bagamat kailangan pa gumawa ng Department of Justice at Department of Interior and Local Government, inamin ni Justice Sec. Menardo Guevarra na “immediate” ang implemensyon ng kautusan.

“The President’s strategy of strictly implementing health protocols, such as wearing of face masks, so that the spread of the disease is put under control and the full opening of the economy is accelerated,” ayon sa DOJ chief.

Aminado rin ang kalihim na maaari ngang magdulot ng congestion o siksikan sa mga jail facility at kaso sa prosekusyon sakaling marami ang mahuli dahil sa utos ng pangulo.