Sisikapin ni Arci Muñoz na makahanap ng mahaba-habang bakanteng schedule kaugnay sa pagpasok niya sa isang flying school.

Ayon sa 32-year-old actress, nais niya pa rin kasing ituloy ang pangarap na maging piloto na kanya ring dahilan kaya sumabak sa military training.

Oktubre noong nakaraang taon nang siya ay ma-promote mula sa basic military training kung saan isa na siyang reserve sergeant.

Sa susunod na buwan target ni Arci na magsimula sa pag-aaral bilang piloto.

“’Yun talaga ang gusto ko ever since. Balak ko rin maging piloto. Actually mag-i-start na ako ng flying school ko sa February or March,” saad nito sa show na We Rise Together.

Minsan na siyang nagbigay-pugay sa kanyang combat shoes, na kanya raw magiging paborito habambuhay dahil tinuruan siyang masaktan bunsod ng makapal na paltos sa paa pero siya ring nagpatatag sa kanya.