-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacanang na hindi maiimpluwensyahan ng nakaraang statement ng China ang plano ni Pangulong Rordigo Duterte na pakikipag-usap kay Chinese Pres. Xi Jinping tungkol sa arbitral ruling sa South China Sea.

Kung maaalala, sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jinhua na hindi pa rin kinikilala ng Beijing ang desisyon ng The Hague na nag-invalidate sa nine-dash line claim ng estado sa bahagi ng teritoryo.

Ayon kay Zhao, malinaw ang posisyon ng China laban sa desisyon ng UN at hindi na magbabago.

“Our position has been clearly stated at the very beginning of the filing of the arbitration. And when the result of the arbitration, we also expressed that we will not accept it and we will not recognize it. And that position has not changed, and will not be changed,” ani Zhao.

Sa isang panayam sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, nirerespeto ng palasyo ang paninindigan ng China sa posisyon nito sa issue.

Pero tiyak umano na hindi nito maaapektuhan ang plano ng pangulo na buhayin ang usapin sa presidente ng China.

Bukod sa issue sa South China Sea, inaasahan din na tatalakayin ng pangulo sa pakikipagpulong nito kay President Xi, ang 60-40 sharing sa ilalim ng panukalang joint exploration sa West Philippine Sea.