MANILA – Ginunita ni Vice President Leni Robredo ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino na nakipaglaban sa digmaan, bilang paggunita sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan.
Vice President Leni Robredo on Araw ng Kagitingan: Tulad ng Bataan noon, nababalot tayo ng kadiliman ngayon dahil sa pandemya. Marami na sa atin ang nagsakripisyo, nagdusa, nawalan. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/MkgoEhcClQ
— Christian Yosores (@chrisyosores) April 9, 2021
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Robredo na hindi nalalayo sa ipinamalas na tapang ng mga sundalo ang hinihinging lakas ng loob mula sa mga Pilipino ng kasalukuyang sitwasyon dahil sa pandemya.
“Sa pag-alala natin sa mga bayani ng Bataan at Corregidor, tinatawag tayong tularan, sa sarili nating paraan, ang kanilang pagmamahal sa kapwa Pilipino, ang kanilang pag-asa maging sa pinakamadilim na sandali, at ang kanilang kahandaang magsakripisyo para sa mas nakararami.”
Kinilala ni VP Leni ang kabayanihan ng mga nagsa-sakripisyo ngayong pandemya, na halos kapareho ng binuwis ng mga ninuno noong panahon ng giyera.
Pati ang mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa higit isang taon nang health crisis.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Robredo na nagsisilbing paalala ang kasalukuyang hamon para magkaisa ang bawat Pilipino.
“Walang Pilipinong kailangang maging magiting mag-isa. Sama-sama tayo. Tulong-tulong tayo.”
Ayon sa bise presidente, gaya ng pagtutulungan ng mga sundalo noong panahon ng digmaan, magagawa ring malampasan ng mga Pilipino ang kasalukuyang krisis kung magtutulungan at magsasama-sama.
“At sa paggabay ng diwa ng mga bayani ng Bataan at Corregidor, tiwala ako: Madadaig natin ang mga hamon ng panahong ito. Makapagtataguyod tayo, tulad ng pinangarap nila noon, ng bansang mas malaya, mas makatarungan, at mas makatao.”