Naniniwala ang National Economic Development Authority (NEDA) na malaking tulong para mapataas ang kita ng mga mangingisda sa bansa ang naaprubahang P11.2 billion Philippine Fisheries and Coastal Resiliency (FishCoRe) project.
Layon ng naturang proyekto na maresolba ang problema sa fishery sector at masiguro ang food security.
Ang naturang proyekto ay inaprubahan sa pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa NEDA board.
Sinabi ni Pangulong Marcos na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA) na sa pagtaya nito, sa mga susunod na taon mula ngayon ay magkakaroon na ng mas maraming saltwater fish cultivation dahil sa overfishing.
Dagdag ng pangulo na noon pa man ay itinutulak na nila ang naturang programa sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng mga fingerlings sa Pangasinan aquaculture.
Pero hindi raw lumago ang aquaculture dahil hindi ito na-develop.
Ayon naman sa palasyo ng Malakanyang, ang FishCoRe project ay na-conceptualize para matugunan ang problema sa fishery sector gaya ng pagbaba ng nakakalap na isda, high post-harvest losses at mataas na poverty incidence sa mga fisherfolk.
Sinabi ng Malakanyang na ang seven-year investment ay makakasuporta sa pagpapatupad ng reporma sa fishery at aquaculture management sa bansa na layong mapaganda pa ang management ng fishery resources ng bansa at ang pagpapaganda sa kalidad ng fisheries production sa piling fisheries management areas (FMAs).
Samantala, sa P11.2 billion total project cost, P9.6 billion ay manggagaling sa official development assistance (ODA) na ibibigay ng World Bank (WB).
Ang natitirang P660.6 million ay manggagaling naman sa gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) habang ang P1.16 billion ay manggagaling sa private sector partners at beneficiary groups o sa mga kooperatiba.
Inaasahan namang magbebenepisyo sa naturang programa ang 354,905 registered fisherfolk sa 24 probinsiya.