Nananawagan si House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co na dagdagan pa ang pamumuhunan sa imprastraktura at agrikultura nang sa gayon makamit ang food security sa bansa.
Binigyang diin ni Co ang kahalagahan ng pagpapabuti ng sistema ng patubig, pagtatayo ng mga pasilidad pagkatapos ng pag aani, at pagbibigay ng access sa mga magsasaka sa mataas na kalidad na binhi at modernong teknolohiya.
Ipinunto din ng Kongresista na kailangang unahin ang pagpapalakas ng food security sa pamamagitan ng pagsuporta sa ating mga magsasaka.
Sinabi ni Co, na nakahanda ang Kongreso na magpasa ng mga kinakailangang batas at inilalaan ang kinakailangang pondo upang makatulong sa pag unlad sa sektor ng agrikultura.
Pinuri din ng mambabatas ang administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa hakbang nito na mapababa ang inflation na pinaka mababa sa nakalipas na apat na taon.
Bumaba ang inflation sa 1.9% noong Setyembre 2024, bumaba mula sa 3.3% noong Agosto at makabuluhang mas mababa kaysa sa 6.1% na naitala noong Setyembre 2023.
Ang pagbaba ay sanhi ng mas mababang presyo para sa pagkain, mga inuming hindi nakalalasing, at transportasyon.
Binigyang diin ni Rep. Co na ang buong diskarte ng administrasyong Marcos, kabilang na ang pagbabawas ng taripa sa imported rice, ay nagpatatag ng presyo at naging mas abot kaya ang presyo ng mga bilihin para sa mga Pilipino.
Binigyang diin niya na ang mga panandaliang hakbang na ito ay dapat na dagdagan ng mga pangmatagalang diskarte, partikular ang mga proyekto ng Pangulo tungkol sa seguridad sa pagkain, ng sa gayon mapalakas ang lokal na produksyon ng agrikultura.