Nagtagal lamang hanggang sa apat na rounds ang laban ng Pinoy fighter na si Juan Miguel Elorde na target sanang maging world champion sa boksing.
Ito’y matapos siyang ma-knockout ng WBO (World Boxing Organization) junior featherweight world champion ng Mexico na si Emanuel Navarrete sa kanilang faceoff sa Las Vegas ngayong araw (Manila time).
Bahagi sila ng undercards sa heavyweight championship match sa pagitan nina Tyson Fury at Otto Wallin.
Ayon sa boxingscene, sa 26th second lamang ng fourth round ay hindi na kinaya pa ni Elorde ang mga malalakas na suntok ni Navarrete partikular ang right hook sa panga nito.
Pangatlong beses nang nadepensahan ni Navarette ang kanyang WBO crown at ngayo’y may record na 29-1 kasama ang 25 knockouts (KO).
Ang 32-anyos naman na si Elorde ay mayroong 28-2, 15 KOs.
Una nang inamin ni Elorde sa exclusive interview ng Bombo Radyo, na pressured siya dahil alam niyang malaki ang inaasahan sa kanya lalo’t marami rin ang nakakaalam na apo siya ng boxing legend na si Gabriel “Flash” Elorde.