
Inilagay ang mga accelerograph, o mga aparato na maaaring magtala ng mga lindol sa 27 pangunahing lugar sa Makati City upang subaybayan ang paggalaw ng lupa at matiyak ang kaligtasan ng mga mahihinang gusali sa lungsod.
Sa isang pahayag, sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na ang 27 pampublikong gusali kung saan inilagay ang mga accelerograph ay matatagpuan sa mga lugar na madaling kapitan ng lindol, o direkta sa itaas ng West Valley Fault, at sa mga liquefaction-prone zone.
Aniya, inuna umano nila ang mga paaralan at pasilidad na matatagpuan sa mga lugar na may mataas na peligro para sa paglalagay ng mga accelerographs bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na buuin ang katatagan sa mga sakuna ng lindol.
Hinikayat din ni Binay ang mga pribadong establisyimento na maglagay ng mga katulad na instrumento sa pagtatala ng lindol na isang kinakailangan ng pambansang pamahalaan para sa mga gusaling higit sa 50 metro ang taas.
Ito aniya ay upang maghanda para sa mga posibleng lindol na kung saan binigyang diin niya ang nangyari sa Syria at Turkey na nakaranas ng Magnitude 7.8 na lindol.
Sa Pilipinas, hinikayat ng mga geologist at seismologist ang publiko na maghanda para sa isang malakas na lindol na nagmumula sa West Valley Fault na isang bahagi ng Marikina Valley Fault System na inaasahang gagalaw bawat 350 hanggang 400 taon.










