DAGUPAN, CITY – Mas mainam na agahan ang anunsyo ng pagkakansela ng barangay at SK Election para maiwasan ang masasayang na gastos.
Ito ang komento ng COMELEC Pangasinan hinggil sa posibilidad ng muling pagsuspende ng nabanggit na eleksyon ngayon taon.
Ayon kay Atty. Marino Salas, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Pangasinan, mainam na sa buwan ng Setyembre ay may pinal na desisyon na ang kamara at mapirmahan ng pangulo ang nasabing batas upang makapagbigay ng sapat na oras sa kanilang tanggapan upang mapaghandaan ang nasabing halalan.
Aniya, nararapat umano na masunod ang kanilang calendar of activities lalo na at ito ay mandato na rin sa ilalim ng batas na Republic Act 1162 lalo na at ito ay bahagi na rin ng kanilang timeline.
Saad ng naturang opisyal na bagaman makakatipid ngayong taon ang bansa sa nasa 8 bilyon na pondo na gagamitin, sa susunod na taon ay mas aasahan na mas magiging malaki ang magiging alokasyon ng mga mambabatas sa naturang eleksyon dahil sa mas maraming mga botante at maidadagdag na boboto at siyempre mas maraming mga guro rin ang itatalaga bilang mga board of elections na kakailanganin din ng nakalaang pondo para sa kanilang honorarya.
Bukod pa rito, malaki rin ang epekto ng nabanggit na suspensyon lalo na sa mga baranggay lalo na kakayanan ng mga barangay at SK officials na pamunuan ang kanilang nasasakupan.
Dagdag pa ni Salas, kung sakali namang matutuloy ang naturang halalan ngayon taon, ay hinikayat naman nito ang mga magpaparehistrong botante na maagang magpatala upang maiwasan ang pagmamadali lalo na sa last day of registration.
Inilarawan din niya na ang naturang eleksyon ay mas mainit kaysa sa national elections dahil na rin magkakakilala, magkakaanak, at magkakaibigan rin ang nagtutungali sa mga bakanteng posisyon sa kanilang lugar.