-- Advertisements --

Nagkasundo ang ilang opisyal at ahensya ng gobyerno sa panawagang pagbuo ng batas kontra torture sa mga kulungan.

Ayon kay Commission on Humang Rights (CHR) chairman Chito Gascon dapat magtayo ng National Preventive Mechanism ang gobyerno para maiwasan ang karahasan sa loob ng detention facilities gaya ng mga kulungan at mental institutions.

May umiiral daw na interim mechanism sa ilalim ng mandatong nilagdaan ng Pilipinas sa United Nations Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment.

Nakasaad daw dito ang pagbuo ng estado ng isang permanenteng regulating body sa pamamagitan ng lehislasyon.

Sumang-ayon naman at nagpaabot ng suporta ang Bureau of Corrections, Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology sa hiling ng CHR.

Maging ang mga mambabatas na sina Sen. Koko Pimentel, Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla at Quezon City Rep. Kit Belmonte ay nagpahayag din ng pagiging bukas sa panukala.