-- Advertisements --

Ipinasa na ng parliament ng bansang Ghana ang Human Sexual Rights and Family Values Act o tinatawag ding Anti-Gay Bill. 

Sa ilalim ng panukala, magiging iligal na ang LGBT relationships sa Ghana. Paparusahan din nito ang mga taong nakikiisa at sumusuporta sa mga karapatan ng LGBT. 

Hindi pa ito batas ngunit pirma na lamang ng presidente ng Ghana ang kinakailangan bago ito maging ganap na batas. 

Nakasaad din sa panukala na maaaring makulong ng anim na buwan hanggang tatlong taon ang miyembro ng LGBT na mapapatunayang gumawa ng sexual act.

Nagpaabot na ng pagkabahala ang United Nations ukol dito. Anila, ito ay “profoundly disturbing” at hinikayat ang pangulo ng Ghana na huwag pirmahan ang naturang panukala. 

Ayon pa sa UN, malaki ang magiging negatibong epekto nito sa free speech, freedom of movement at freedom of association ng bansa.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang United States of America sa naturang panukala. Sakaling maging batas, ito raw ay magiging banta sa freedom of speech, press, at assembly gayundin sa public health, media, at ekonomiya. 

Ang paglilimita umano ng karapatan ng isang grupo ay banta sa karapatan ng lahat ng tao. 

Dahil dito, nananawagan din ang US na suriin ang constitutionality ng panukala dahil tila hindi umano nito pino-protektahan ang karapatan ng lahat ng indibidwal sa Ghana.