Nais ngayon ng anti-crime watchdog na magsagawa ang pamahalaan ng imbestigasyon kaugnay ng mga natanggap nilang ulat kaugnay ng online offers para matanggala ng pangalan ng mga ito sa Bureau of Immigrations (BI) blacklist.
Ayon kay Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) Chairperson Ka Kuen Chua, aabot daw sa P1 million hanggang P5 million ang offer ng mga gustong matanggal ang pangalan sa blacklist ng Immigration bureau.
Sa isinagawang hearing ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee tumestigo si Chua at sinabing ang mga offer daw ay naka-post sa social media.
Kalat na raw ang naturang isyu sa Chinese social media platforms.
Kaya naman nais ni Chua na maimbestigahan ang naturang mga anomalya sa Bureau of Immigration at matanggal sa serbisyo ang lahat ng mga responsable.
Maliban dito, sinabi rin ni Chua na protektado rin daw ng mga otordad ang pagbibigay ng visa-on-arrival privileges, illegal work permits, illegal safehouses at slave labor dens.
Ang tinutukoy nitong dens of iniquity ay matatagpuan daw sa Cavite at Pampanga na pinoprotektahan ng mga police officials.
Pero ang naturang mga alegasyon ay mariin namang itinanggi ng Cavite Police public information office.
Samantala, sa isyu naman ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, nakapagpa-deport na raw ang Immigration ng 255 sa 360 workers mula September hanggang October 2022.
Ang mga natitirang workers naman daw ay sumasailalim pa rin sa deportation proceedings.