-- Advertisements --

Iminumungkahi ni Interior Sec. Eduardo Año na National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang magsisilbing “decision maker” sa pagpapakawala ng tubig ng mga dam sa gitna ng bagyo.

Ang pahayag na ito ng kalihim ay bunsod ng sinapit ng Cagayan province matapos magpakawala ng tubig ang Magat dam habang nananalasa ang bagyong “Ulysses.”

“I will propose na pag-usapan sa NDRRMC sa time of calamity at typhoon, ang NDRRMC ang magbibigay ng approval kung kailan magbukas, ilang gate para controlled natin,” ayon kay Año sa gitna ng Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tuguegarao City nitong hapon.

Paliwanag ng kalihim, dapat bago pa dumating ang sama ng panahon sa teritoryo ng bansa ay nagsisimula nang magpakawala ng tubig ang mga dam.

Maaari raw pagbatayan dito ang inilalabas na mga forecast tungkol sa lakas ng isang bagyo.

“I think we will propose na in times of calamities and typhoons, dapat may nagko-control diyan sino, kailan bubuksan ang dam. Kasi kailangan before the bagyo, puwede na tayo magbukas. Lalo na kung mayroon tayong forecast kung gaano kalaki ‘yung ulan na darating.”

Ayon sa kalihim, makatutulong kung mayroon nakatalagang opisyal o opisina na magkukumpas sa sabayang pagbubukas ng gates ng mga dam tuwing may sama ng panahon.

“In normal times they follow their protocols but during typhoons, there must be someone managing the opening of the dams in order to control the flow of water that would affect the LGUs and induce flooding.”

Nakatakda na raw kausapin ng Department of the Interior and Local Government ang mga opisyal ng Magat dam kaugnay ng spilling activity nito sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.