Sinakop na nga aabot sa libong bilang ng driver ng ride-hailing app na Angkas ang buong kanto ng Mendiola sa Maynila nitong umaga bilang protesta laban sa planong deactivation ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa prangkisa ng nasa 17,000 riders nito.

Sigaw ng Angkas drivers na sana ay pumagitna at manghimasok si Pangulong Rodrigo Duterte sa issue para hindi mawalan ng hanapbuhay ang malaking bilang ng kanilang mga driver-partners.

Kung maaalala, inanunsyo ng Angkas kamakailan na nag-desisyon ang LTFRB na bawasan ang kanilang bilang para bigyang daan ang papasok na competitors nitong JoyRide at Move It.

Sa ilalim ng utos ng LTFRB, lilimitahan na lang sa 10,000 ang bilang ng riders sa Metro Manila habang 3,000 sa Metro Cebu.

Kung maaalala, agad nagkasa ng kilos protesta ang Angkas nitong nakalipas na linggo matapos matanggap ang utos ng LTFRB.

Batay sa datos ng kompanya, kasalukuyang nasa 27,000 ang bilang ng kanilang riders na nagta-trabaho at nagbibigay serbisyo sa mga commuter sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa.