CAGAYAN DE ORO CITY – Nagulantang ang pamilya Rodriguez nang pinagtangkaan na pasabugan ng granada ang kanilang ancestral house sa Barangay Nazareth,Cagayan de Oro City.
Sakay umano ng motorsiklo ang mga suspects na namataang naghagis ng granada sa garahe kaninang ala-1:12 ng madaling araw, na masuwerte namang hindi sumabog.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Deputy House Speaker Rufus Rodriguez na wala siyang ideya kung ano ang posibleng motibo sa pangyayari.
Bagamat wala namang naiulat na anumang danyos, matinding takot ang naramdaman ng mga kasamahan ng kongresista sa nabanggit na bahay.
Si Rodriguez, kasama ang kanyang maybahay at nag-iisang anak babae, ay ilang buwan nang nananatili sa Maynila dahil na rin sa pandemya ng COVID-19.
Ipinagkatiwala na lamang nito sa pulisya ang pagtukoy sa mga salarin ng krimen.