BUTUAN CITY – Umapela sa mga netizens ang anak ng pangalawang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positive dito sa Caraga Region na lubayan na ang kanilang pamilya mula sa kanilang pangba-bash sa social media sa dahilang hindi umano nila sinadya ang nangyari.
Inihayag ng anak ng COVID-19 patient na itinago lang sa pangalang “Bobby” na nagdesisyon na siyang magpa-interview upang malaman ng lahat ang mga nangyari lalo na’t mas nauna pang malamana ng mga residente doon ang resulta ng lab test kaysa kanila.
Inamin nito sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan na isa siya sa mga dumalo sa international derby sa Davao City kasama ang isa pang sabungero ngunit natapos nila ang 36 na araw na quarantine period kasama ang kanyang ama sa kinuhanan ng swab sample.
Simula umano sa kanilang pag-uwi hanggang sa natapos nila ang quarantine period ay wala silang sintomas ng nakamamatay na sakit na ikinatuwa nila lalo na’t negatibo silang pareho sa lab test.
Nagsimula umanong ang ubo ng kanyang ama nang ito’y maulanan hanggang sa nagka-diarrhea kaya’t dinala na nila sa ospital pero nagnegatibo ito sa unang test at nag-positive na sa pangalawa.
Sa ngayo’y patuloy ang pagre-recover ng kanyang ama sa Caraga Regional Hospital habang patuloy din ang kanyang pag-monitor sa mga nakasama niyang sabungero na sa ngayo’y wala rin umanong ipinakitang sintomas ng nasabing sakit.